Wednesday, February 18, 2015

Maalam Sa Pera Ang Pinoy (Kilalanin ang Isang Engineer na Nagsimulang Mag-invest sa Edad na 24)

Ano ba ang larawan ng pangkalahatang pamilyang Pilipino? Ito ba ay larawan ng pagdarahop at kakaunting options sa buhay? Napapansin mo ba na iilan lamang ang masasabing nakakaalwan na para bang hindi patas ang tadhana na isinilang kang pangkaraniwang Pinoy lamang? At bakit ka kaya napadaan dito sa site na Cute Pinay Goes Investing? Malamang ay tulad ni Water Sprite, isa ka rin sa mga ordinaryong Pinay (o Pinoy) na kailangan munang magtrabaho para mabuhay... subalit nakakasilip ng liwanag at sa di kalaunan, matatamo n'ya rin ang buhay na maalwan, ganap, at malaya.


Photo: Office Worker [Thanks]
Kaya lang ay "supporting character" muna si Water Sprite sa kwentong hatid ngayon ng seryeng ito na sakop ng segment na MSPAP (Maalam Sa Pera Ang Pinoy) sapagkat isang Pinoy investor na naman ang napili upang itampok ngayon dito. Siya ay si Carlo, isang empleyado at Engineer subalit maaga siyang nagsimula sa pagi-invest sa edad na 24 lamang. Sa kasalukuyan ay 30 taong gulang pa lamang s'ya, may asawa na, ngunit wala pang anak. Kahit pa fulltime si Carlo sa kanyang kumpanyang pinapasukan, nagagawa pa niyang sumulat ng blog at matutunghayan siya sa millionaireinyou.net.

Related Story: Maalam Sa Pera Ang Pinoy (Tampok ang Isang 22 Anyos na Independent Contractor)

Dito ngayon ay ibabahagi ni Carlo ang kanyang karunungan tungkol sa pamamahala ng salapi, kung paano siya namulat sa pag-invest, kung bakit mahalaga sa kanya ang paglalaan ng maraming piso para sa magandang bukas, at kung ano ang nais n'yang marating sa mga susunod na taon. Matutunghayan din dito ngayon ang kanyang mga panukala kung paano maisasagawa ang pagi-invest.

A.P. Sapungan: Gaano katagal ka nang nagtatrabaho?
Carlo: 9 years

A.P. Sapungan: May investment ka na sa Mutual Fund?
Carlo: Wala

A.P. Sapungan: May investment ka na sa UITF?
Carlo: Wala

A.P. Sapungan: May investment ka na sa Stock Market?
Carlo: Mayroon

A.P. Sapungan: Magkano na ang halaga ng investment mo?
Carlo: secret :)

A.P. Sapungan: Patuloy ka pa bang mag-i-invest sa mga susunod na buwan?
Carlo: Oo

A.P. Sapungan: Saan nanggaling (o manggagaling) ang pera na pinang-i-invest mo?
Carlo: mula sa sweldo lamang

A.P. Sapungan: Carlo, ikaw pala ay isang Engineer at ECE board passer din. Full time ka ba sa propesyong iyan? Ikaw ba ay naglilingkod sa isang kumpanya o korporasyon, o isa kang independent contractor sa larangang iyan?
Carlo: Full time employee po ako.

A.P. Sapungan: Meron ka pa bang ibang pinagkakakitaan maliban sa iyong full time job? Pakilarawan naman...
Carlo: Bukod sa trabaho, stock market at blogging lang po pinagkakakitaan ko.

A.P. Sapungan: Paano mo bina-budget ang mga oras mo sa buong isang linggo, para magawa mo ang mga bagay na nais mong gawin?
Carlo: Priorities lang po. Dahil po 5 days may pasok, sa gabi lang po ako nakakapag blog. Madalas pag weekend, pahinga lang talaga. Ang linggo ay nakalaan sa Diyos at pamilya. Kapag naman po may public speaking gig, nagli-leave po ako sa trabaho. Mas inuuna ko ang financial advocacy ko... Eto po ang tip ko para sa mga tao na sa tingin nila ay wala silang oras: Tandaan po natin na karamihan ng mga tao sa paligid natin at walang pakialam kung tayo ay pagod, magkasakit, o kung ano man ang narating natin. Piliin nating mabuti kung ano ang uunahin natin. Maniwala kayo, hindi niyo gugustuhin na balang araw ay sabihin niyong "sana dati ko pa ito ginawa". Hindi na mababalik ang nasayang na oras... Kung ano man ang gusto niyong marating sa buhay niyo, simulan niyo na. Ngayon. Hindi mamaya. Hindi bukas. Hindi kung kelan may time at komportable lang tayo.

A.P. Sapungan: Isalaysay kung paano mo personal na ipinapatupad ang pagtatabi ng pera para makapag-invest.
Carlo: Sundin ang formula: income - (investments + savings) = expensesUnahing itabi ang pang invest bago gumastos. Simple but effective. Ito ang pundasyon ng tamang pag invest at pag ipon.... Ang nangyayari sa iba, uunahin ang gastos. sa huli, wala nang natitirang pang ipon at pang invest... Sakop narin nito na dapat hindi sosobra ang gastos sa kinikita.

A.P. Sapungan: Sa anong edad mo natutuhan ang pag-invest?
Carlo: 24

A.P. Sapungan: Ano o sino ang naka-impluwensiya sa iyo para mag-invest?
Carlo: Matapos kong basahin ang libro ni Robert Kiyosaki (Rich Dad, Poor Dad), wala akong ibang inisip kundi paano kumita ng passive income... 
Sakto, simula na yun ng global financial crisis at stock market crash. Gamit ang aking mga natutunan sa libro na yun, sinimulan ko agad ang pag invest sa stock market... Mula duon ay tuloy tuloy na.

A.P. Sapungan: Bakit kailangan mong mag-invest? Ano ang gagawin mo sa pera kung sakaling tumubo na ng malaki ang investment mo?
Carlo: Ayaw kong maging financial loser (mga taong naka depende ang finances at retirement sa gobyerno, asawa, kumpanya, at ang pinaka masaklap, naka depende sa mga anak)... 
Shempre, gagamitin ko ang pera para bigyan ng magandang (ngunit simple) buhay ang pamilya ko... Gagamitin ko rin ito para ikalat ang financial literacy sa Pilipinas.

A.P. Sapungan: Paki larawan kung ano ang nakikita mo sa sarili mo, makalipas ang 5 taon, kung personal finance ang pag-uusapan
Carlo: kumikita na ako ng 2 million kada buwan. Meron akong dummy na cheque, yun ang sinulat kong halaga na makukuha ko 5 taon mula ngayon... May mga anak na rin ako na home-school based... Hindi na rin ako nag ttrabaho dahil lahat ng kita ay passive income na.

A.P. Sapungan: Paki larawan kung ano ang nakikita mo sa sarili mo, makalipas ang 10 taon, kung personal finance ang pag-uusapan.
Carlo: Lahat ng natutunan ko, tinuturo ko na sa iba - nang libre!

A.P. Sapungan: Bilang isang professional na malawak ang kaalaman sa Math, masasabi mo bang may advantage ang katulad mo para maintindihan ang stock market at ang pag-iinvest dito?
Carlo: Hindi po. Lahat tayo ay pare-parehas lang hindi natutunan ang tunay na mundo ng pera nung tayo ay nagaaral pa. Pantay pantay lang tayong lahat.

A.P. Sapungan: Ano ang iyong mensahe para sa mga taong hindi pa namumulat kung paano talaga dapat hawakan ang pera?
Carlo: Ibahin ninyo ang pananaw niyo sa pera. Wag tayo magbulag bulagan. Mahirap ang buhay kapag walang pera. Tanggapin natin na ito ay mahalagang parte ng buhay.

A.P. Sapungan: Ano ang iyong mensahe para sa mga future ECE professionals? 
Carlo: Tandan niyo na kahit sa field ng ece, marami paring business opportunities. Kung san man kayo magttrabaho, aralin niyo kung paano patakbuhin ito... Magtrabaho kayo hindi para kumita ng pera. Kundi para matutunan ang pasikot sikot sa negosyo... Gusto kong humingi ng paumanhin sa inyo dahil sa sasabihin ko. Hindi kayo yayaman sa pag tatrabaho. Kung gusto niyo yumaman, mag negosyo kayo... Nasa paligid niyo lang ang mga oportunidad. Buksan ninyo ang inyong mga mata. Hindi dahilan na hindi ito related sa natapos niyo.

A.P. Sapungan: Meron ka bang nais i-promote? Magbigay ng mensahe...
Carlo: Gusto ko magpasalamat kay Ms. Bing (A.P. Sapungan) sa oportunidad na binigay niya sakin para ma-feature dito... Kaparehas po ni Ms. Bing, ako ay may adhikain na ikalat ang financial education sa mga Pilipino.... Kung gusto niyo matuto kung paano maka retire ng maaga, mag log lang po kayo sa aking blog na millionaireinyou.net at mag subscribe sa email nang libre... Matutunan niyo rin dito ang pundasyon ng tamang pag hawak ng pera... Salamat pong muli."

Naku, Carlo... Walang anuman, at mabuhay ka! Kami nga dito sa Cute Pinay Goes Investing ay higit na nagpapasalamat sa iyo dahil naglaan ka ng panahon para makilala ka namin..... Alam mo ba na tulad mo, si Pinay Water Sprite ay natatakot din na tatandang naghihikahos sa buhay, aasa lamang sa gobyerno o kaanak, at matapos ang maraming taong ginugol bilang empleyado ay 'nganga' ang aabutin? Hindi palibhasa updated ang hulog sa SSS o may hawak na Philhealth card, ay sapat na para makampante. Alam ni Water Sprite ang impermanance ng estado ng bawat nilalang sa mundo at kaakibat nito ang uncertainty. Ano ba ang malay n'ya kung biglang magsara ang kumpanya na kanyang pinapasukan o di kaya'y magbawas ito ng mga kawani at isa siya sa unang tatanggalin? Na para bang sinasabing,
"Magretiro ka na! ...'yon nga lang, sa maling panahon."
Marami sa kapwa natin Pinoy ang may ultimong pangarap na makapag-asawa at magka-anak para pagdating ng panahon ay may aalalay sa kanya sa pagtanda. Na para bang ang nasa isip lamang ay isiguro ang sarili sa kapamilya, at bahala na kung may kaunting pensyon lang, at kung kulang naman ay aasa na ang kapamilya (na itinaguyod ng maraming taon) ang gagawa ng paraan kung sakaling hindi na n'ya kayang maghanap-buhay. At paano kung ang anak na dapat asahan ay kinakapos din? Gaya ng isang expression na madalas na marinig ni Water Sprite sa kanyang lola noong siya'y bata pa,
"Haaaay nakuuuu... mamamatay wari na ang mata'y dilat!"
Mahal naming tagasubaybay, kung ikaw ay katulad ni Carlo na young professional na, kumikita na ng sapat, wala pa sa katanghalian ng buhay, sana ay natutuhan mo na rin ang pamumuhay na may maayos na personal financial management. At sana ay may karanasan ka na rin sa mga investment na kagaya ng pagbili ng shares of stocks, o di kaya ay ang pag-invest sa mutual fund o UITF.

Kung ikaw naman ay estudyante pa lamang o young adult, aba'y magpasalamat ka sa Maykapal sa "pakakamaling" natunton mo ang site na ito at nagkataong nakuha mo ang ideyang kakaunti pa lamang ang sumusubok (pag-invest sa stock market o mutual fund o UITF). Na kahit pa hindi ka pa nagtatrabaho, magalak ka at nakuha mo ang inspirasyon mula kay Carlo, ang tampok nating Pinoy investor ngayon. Mag-ipon ka na kahit pakaunti-kaunti lamang, taglay ang disiplina at kaagapay ang determinasyong maging isang investor din.

Related Story: Pamumuhay Na Walang Utang: Unang Hakbang Sa Pag-invest

Marahil naman ay wala ka sa dalawang kategoryang nabanggit, at malamang ay katulad ka ni Water Sprite na 'Ate' (o Kuya) na ng mga ka-edad ni Carlo at 'Tita' (o Tito) naman ng mga kabataang nasa kolehiyo. Alam naming hindi biro ang magbudget ng pera para sa buong pamilya, pero kumusta ba ang money saving habits? Kinakaya mo bang maglaan buwan-buwan, at ang perang regular na naipon ay mahahayaan mo bang lumago o kumilos nang hindi ka totally involved? Sa banyagang pahayag,
"Will you let your money work for you?"
Tulad ni Carlo sa site na millinaireinyou.net, ang Cute Pinay Goes Investing site ay laan para magbahagi ng natatanging kaisipan at karanasan tungkol sa pamamahala ng personal finance. Dito ay panaka-nakang nag-tatampok ng mga kahanga-hangang Pinoy na may maayos na pananaw sa buhay, na may hangaring maging parte ng solusyon sa komunidad, at maalam humawak ng salapi.

Para sa iyong katanungan, huwag mag-atubiling isulat sa comment section ng blog na ito o di kaya'y magpadala ng private email kung ayaw n'yong mabasa ng marami ang inyong mensahe. Maaari mo ring i-nominate ang iyong sarili bilang tampok dito sa MSPAP, mangyari lamang na iwan mo ang iyong pangalan at e-mail address, nang sa gano'n ay makapanayam kayo:
Cute Pinay Goes Investing
Photo: Contact Us [thanks]
Maaari ka ring pumunta sa fan page ni Pinay Water Sprite (huwag kalimutan mag-Like) at doon mag-iwan ng mensahe:


Nawa'y nasa mabuti kang kalagayan, kapwa ko Pinoy...

Mabuhay Ka!

4 comments:

  1. Thank you po for the opportunity to grace Cute Pinay Goes Investing :)

    More power!

    ReplyDelete
  2. @Carlo, you are welcome. I'd like to say that your story is an inspiration to us. I shall follow your ways, especially that formula in handling money. And I thank you, too!

    ReplyDelete
  3. It was very useful for me. Keep sharing such ideas in the future as well. This was actually what I was looking for, and I am glad to came here! Thanks for sharing the such information with us.

    ReplyDelete
  4. welcome to the Supreme Order Shama Temple,
    Only by a deep and sincere people, those who are ready and worthy to dedicate their lives to the supreme Order of Shama Temple will rise above the illusion of the material worlds and know the glories of the spiritual, which is the true Reality.
    we have the hidden treasures of the univers to make you wealthy in your life
    do you want: Goodluck,marriage,Money for business,car,house,win contract,Partnership in business,protection,power,please dont hesitate to contact us:shamatempleo@yahoo.com

    ReplyDelete